Bumisita si United Nations Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan sa tanggapan ng Philippine Information Agency (PIA) ngayong umaga.
Bahagi pa rin ito ng state visit ng opisyal para kamustahin ang lagay ng press freedom sa Pilipinas.
Pakay ng pagbisita nito sa PIA ang pakikipagpulong sa ilang opisyal ng Government Media kabilang ang Presidential Broadcast Service- Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS), Philippine News Agency (PNA), at ang Philippine Information Agency.
Closed door ang pulong bagamat kasama sa agenda rito ang pagtalakay sa pagtataguyod ng government media sa malayang pamamahayag.
Present naman sa pulong ang head of government media agencies kabilang sina PIA Director General Joe Torres, Deputy Director General Kat de Castro, PIA Director Lee Ann Pattugalan, at PBS-BBS Director General Rizal Giovanni Aportadera Jr., at Deputy Director General (DDG) Joey Sy-Domingo.
Higit isang linggo na ring nasa Pilipinas si UN Special Rapporteur Khan kung saan una na rin nitong nakapulong ang mga opisyal ng Department of Justice (DOJ), Presidential Human Rights Committee, Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), at nagtungo rin sa Tacloban City Jail.
Si Khan ang ikatlong UN Special Rapporteur na bumisita sa bansa sa nakalipas na 14 na buwan. | ulat ni Merry Ann Bastasa