Nakiisa ang mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya Ranara sa paggunita ng unang anibersaryo ng kamatayan ng kanilang yumaong mahal sa buhay na si Jullebee.
Si Jullebee ang Overseas Filipino Worker (OFW) na walang awang pinaslang ng menor de edad na anak ng kaniyang amo sa Kuwait noong isang taon.
Personal na sinamahan ni DMW Officer-In-Charge, Undersecretary Hans Leo Cacdac at Assistant Secretary Venecio Legaspi ang pamilya ni Jullebee sa pag-aalay ng isang misa sa Last Supper of our Lord Parish sa Pamplona, Las Piñas City.
Matapos nito ay nagtungo naman sila sa puntod ni Jullebee sa Golden Heaven Memorial Park sa nabanggit ding lungsod upang doon ay mag-alay ng panalangin.
Magugunitang Setyembre ng nakalipas na taon nang mahatulang guilty sa pagpatay kay Jullebee ang noo’y 17-taong gulang na suspek kung saan, pinatawan lamang ito ng 15-taong pagkakabilanggo. | ulat ni Jaymark Dagala