Itinaas na sa yellow alert status mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi ang Visayas grid matapos ang multiple power plant tripping sa ilang planta ng kuryente sa Panay Island.
Sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines, namonitor ang pag-trip off ng Panay Energy Development Corporation o PEDC unit 1 pasado alas-12:00 ng tanghali.
Sumunod namang bumigay dakong alas-2:00 ng hapon ang PEDC unit 2 at ang Palm Concepcion Power Corporation o PCPC unit at iba pang planta sa Panay Island.
Sa ngayon, nakararanas ng kawalan ng kuryente o blackout sa buong Panay Island kabilang ang Iloilo, Aklan, Capiz, Guimaras Island at Negros Island.
Hindi pa natutukoy ng NGCP ang sanhi ng nangyaring pag-trip off ng mga planta.
Nasa 452 megawatts ang nawalang power supply sa grid dahil sa multiple tripping ng mga planta kabilang na ang PEDC unit 3.
Samantala, ang Negros Panay interconnection ay naibalik na sa normal pasado alas-3:00 ng hapon. | ulat ni Rey Ferrer