Binatikos ni Vice President Sara Duterte ang isinasagawang “Pera kapalit ang pirma” sa People’s Initiative sa Davao City at iba pang bahagi ng bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara na ito ay repleksyon ng pagkahilig ng mga politiko na bumili ng boto tuwing eleksyon.
Giit ng Pangalawang Pangulo, pananamantala ito sa kahirapan ng mga Pilipino at kawalang respeto sa kanilang karapatan na magdesisyon nang malaya, walang takot, at impluwensya gamit ang salapi.
Aniya, sumasalamin din ito sa kawalan ng pakialam ng mga politiko sa tunay na kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino.
Nagpaalala naman si VP Sara na maaaring ang maging sukli sa suhol kapalit ng pirma sa People’s Initiative, ay may seryosong epekto sa ating buhay, kalayaan, at kinabukasan. | ulat ni Diane Lear