Umaasa si House Committee on Ways and Means Chair at Albay Representative Joey Salceda na magiging prayoridad ni bagong Finance Secretary Ralph Recto ang mahahalagang tax policy objectives ng bansa.
Una aniya dito ang buwis sa digital services.
Bagamat ang Pilipinas aniya ang isa sa mga unang nagpanukala ng VAT sa digital services ay tayo naman ang pinakahuli sa ASEAN-6 para pagtibayin ito.
Dahil naman sa marami na sa mga consumer ang gumagamit ng electronic commerce ay panahon na rin aniyang ayusin ang pagpapataw ng buwis dito.
Partikular aniya ang pagtiyak na nakakasunod sa pagbabayad ng buwis ang mga seller ng ecommerce platforms.
“We need to work on reforms such as reconsidering the de minimis threshold for imports, requiring ecommerce platforms to ensure the tax compliance of their sellers, and creating mechanisms for cash-on-delivery transactions.” saad ni Salceda
Bumagsak din aniya ang koleksyon ng tobacco excise tax ng hanggang P45 billion kada taon dahil sa pagsikat ng vaping, bagay na kailangan aniya ng kagyat na solusyon.
Matapos nito ay maaari na aniya mapagtuunan ang structural policy reforms.
Gaya na lamang ng paggamit sa kita ng Motor Vehicle Users Charge para pondohan ang PUV modernization.
“Secretary Recto was an advocate in the past of using MVUC revenues to finance public transport. So, I am optimistic about our proposal to update MVUC rates and use revenues to heavily subsidize jeepney modernization.“ dagdag ng mambabatas | ulat ni Kathleen Forbes