Buo ang suporta ng pamahalaan upang tulungan ang industriya ng pelikulang Pilipino na makabangon mula sa epektong dulot ng COVID-19 pandemic.
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. makaraang dumulog sa kaniya ang iba’t ibang grupo ng movie producers para ihirit ang tatlong taong moratorium sa pagbabayad ng buwis.
Ayon kay Abalos, maliban kasi sa pagbubuwis, malaking problema rin ng mga nasa industriya ng pelikulang Pilipino ang piracy o pamimirata dahil malaki ang nawawala sa kanilang kita dahil dito.
Kaya naman hiningi rin ng kalihim ang tulong ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) gayundin ng National Bureau of Investigation (NBI), Optical Media Board (OMB), at National Telecommunications Commission (NTC) para sa kampaniya.
Dagdag pa ni Abalos, kabilang ang piracy sa kanilang tinututukan katuwang ang PNP gayundin ang iba pang mga cybercrime na mas tumaas ang bilang sa nakalipas na mga taon. | ulat ni Jaymark Dagala