Kasama si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa mga makakabenepisyo sa cash gift para sa Filipino centenarians ngayong taon.
Ayon kay Quezon City Representative Marvin Rillo, isa si Enrile sa mga makatatanggap ng ₱100,000 centenarian gift na pinondohan ng kabuuang ₱186-million sa ilalim ng 2024 National Budget.
Sa February 14, ipagdiriwang ni Enrile ang kaniyang ika-100-taong kaarawan kaya eligible na siyang makatanggap ng insentibo salig sa Centenarians Law of 2016.
“In the 2024 General Appropriations Law, the sum of ₱186-million has been earmarked for the tax-free cash gift of Filipino centenarians. We, in Congress, are fully determined to keep up the annual funding for the gift, in recognition of Filipinos who have achieved healthy ageing and longevity,” sabi ni Rollo.
Nakasaad sa batas na lahat ng natural born Filipinos, naninirahan man sa Pilipinas o abroad, ay makakakuha ng ₱100,000 one time cash gift at Letter of Felicitation sa Pangulo.
Tinukoy ng mambabatas na batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development, mula 2017, ay umabot na sa ₱1.2-billion ang naipamahaging cash gift sa 12,187 centenarians.
Sa ngayon hinihintay na lamang ang lagda ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para maging ganap na batas ang panukalang maggagawad ng ₱10,000 cash gift para naman sa mga aabot sa edad na 85, 90, at 95. | ulat ni Kathleen Jean Forbes