Nakapagbayad na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng ₱50-billion na halaga ng claims sa mga ospital at doktor, sa huling limang buwan ng 2023.
Ito ang ibinahagi ni PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma sa briefing na ipinatawag ng House Committee on Health.
Setyembre 2023, sa isang pagdinig, nangako ang PhilHealth na babayaran ang 100% o malapit sa 100% ng “₱27-billion unpaid claims” sa loob ng 90 araw.
Dahil na rin ito sa puna ni Marikina Representative Stella Quimbo na maraming nagrereklamong ospital at doktor na hindi pa nababayaran o may delay sa payments.
Ayon kay Ledesma, mula sa mga buwan ng Agosto hanggang Disyembre 2023 — nakapagbayad ang PhilHealth ng ₱50-billion na higit pa sa ₱27-billion.
Pagsiguro naman ng opisyal na patuloy na magtatrabaho ang state health insurer upang mabayaran ang mga dapat na bayaran. | ulat ni Kathleen Jean Forbes