Mararamdaman na agad ng mga senior citizen at persons with disabilities ang pagtaas sa dikswento na maaari nilang i-avail kada buwan sa mga grocery at iba pang pangunahing bilihin sa Marso.
Ito ang ibinalita ni Speaker Martin Romualdez kasunod ng pulong nila ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Carolina Sanchez.
Matatandaan na inatasan ng House Joint Committee on Special Privileges ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na itaas ang diskwento ng mga senior citizen sa “basic goods” ng ₱500 kada buwan.
Mula ito sa kasalukuyang weekly discount na ₱65.
“I am delighted to welcome the imminent implementation of increased discounts for our senior citizens and PWDs. This initiative to provide additional discounts for senior citizens and PWDs demonstrates the commitment of President Marcos to promoting inclusivity and social justice,” sabi ni Speaker Romualdez.
Malaking bagay ito ani Romualdez lalo’t kalalagda lang din ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Expanded Centenarian Act na naggagawad ng ₱10,000 cash gift sa mga tutuntong sa edad na 80, 85, 90, at 95.
Ayon kay Usec. Sanchez bagamat nagpapatuloy ang konsultasyon sa mga stakeholders, ang kinakailangang inter-agency circular para ipatupad ang dagdag diskwento ay inaasahang mailalabas sa Marso.
“It’s a joint issuance between the DA (Department of Agriculture), DTI and the DOE (Department of Energy),” paliwanag ng opisyal.
Nakasaad dito ang komprehensibong listahan ng mga items na sakop ng diskwento.
Kabilang dito ang prime commodities gaya ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at gatas maliban lamang sa medical grade milk.
Kasama rin ang manufactured goods gaya ng processed meat, sardinas, at corned beef na hindi premium brand.
Sakop din ng diskwento ang basic construction supplies, tulad ng semento, hollow blocks, at electrical supplies, pati light bulbs.
“I commend the efforts of the DTI and other concerned agencies for their diligence and commitment to advancing this crucial initiative. Their dedication to ensuring the timely implementation of these increased discounts is truly commendable and reflects our shared vision of a more inclusive and caring nation,” diin ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes