Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na umabot na sa 150 na mga reklamo ang kanilang natanggap mula sa mga Pilipino na sumali sa Seasonal Worker Program ng South Korea mula noong 2022.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na kabilang sa mga reklamo ang paniningil ng mataas na recruitment fees at hindi tamang pasahod.
Ayon pa kay Cacdac, nakapagtala rin sila ng limang kaso ng physical abuse, limang medical cases, at apat na natural deaths ng mga Pilipino sa South Korea sa nakalipas na dalawang taon.
Batay sa datos ng DMW, nasa 3,353 ang mga Pilipinong seasonal worker sa nasabing bansa hanggang noong December 2023.
Sa ngayon, maglalabas ang DMW ng guidelines para sa pagpapadala ng mga Pilipinong seasonal worker na sasakop sa standards of protection, fair treatment, decent working hours at wages, access to justice, at monitoring at pagbabawal na pagsingil ng napakamahal fees sa mga manggagawang Pilipino.
Matatandaang nagsimulang ipadala sa South Korea ang mga Pilipinong seasonal worker noong 2022 sa ilalim Seasonal Worker Program na layong matugunan ang kakulangan sa mga mangagawa tuwing panahon ng pagtatanim at anihan sa naturang bansa. | ulat ni Diane Lear