Sinampahan na ng kasong kriminal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga kumpnyang Decarich Supertrade, Inc. at Redington Corporation kabilang ang mga accountant nitong sangkot sa pagbebenta ng mga pekeng resibo at sales invoice.
Pinangunahan mismo ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang paghahain ng kaso sa QC Regional Trial Court ngayong umaga.
Ayon kay BIR Commissioner Lumagui, matapos ang preliminary investigation ng DOJ, nakitaan ng probable cause para masampahan ang dalawang kumpanya ng patong-patong na kaso gaya ng Tax Evasion (Section 254, NIRC), Failure to File Tax Returns (Section 255, NIRC), Failure to Supply Correct and Accurate Information in the Tax Returns (Section 255, NIRC), at Falsification ng Audited Financial Statements (Section 257 (A)(2), NIRC), para sa taxable year 2021.
Ang kaso ay nag-ugat sa ikinasang Run After Fake Transactions Task Force (RAFT) ng BIR.
Giit ni Comm. Lumagui, ang mga ghost corporation na ito ay responsable sa pagkakalugi ng pamahalaan ng hindi bababa sa P50 bilyong buwis sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga pekeng resibo at sales invoice.
Babala naman nito, umpisa pa lang ito ng pinaigting na crackdown ng ahensya laban sa mga kumpanyang nandaraya ng resibo.
Sa kasalukuyan, nasa 23 criminal charges na ang naisasampa ng BIR laban sa mga nagbebenta at tumatangkilik ng pekeng resibo. | ulat ni Merry Ann Bastasa