Inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na 23 mga bagong proyekto sa Infrastructure Flagship Projects (IFPs) sa ilalim ng Build-Better-More program ang inaprubahan ng NEDA Board, sa katatapos na pulong ngayong araw.
Sa kabuuan, nasa 185 proyekto na ang nasa listahan ng IFPs na nagkakahalaga ng P9.14 trillion.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan na nagsisilbing Vice Chair ng NEDA Board, ang naturang desisyon ay layong bigyang prayoridad ang mga mahahalagang proyekto upang matiyak na mabibigyan ng suporta mula sa pamahalaan at mapabilis ang implementasyon ng mga ito.
Nilinaw naman ni Balisacan, na ang 36 na mga proyekto na natanggal sa listahan ng IFPs ay itutuloy pa rin dahil bahagi na ito ng regular na programa ng pamahalaan.
Samantala, iniulat ni NEDA Undersecretary Joseph Capuno sa NEDA Board, na hanggang noong ika-apat na quarter ng 2023: 74 na IFPs ang kasalukuyang ipinatutupad na; 30 ang naaprubahan para sa implementasyon; 10 ang naghihintay ng approval ng pamahalaan; at 83 ang sumasailalim sa project o pre-project preparation.
Sa 74 na ongoing projects, 19 naman dito ang nakatakdang makumpleto ngayong taon. | ulat ni Diane Lear