Mas paiigtingan pa ng Clark International Airport Corp. (CIAC) ang operation para sa paliparan nito ngayong taon upang makamit ang target na 4 na milyong bilang ng mga pasahero, doble sa halos dalawang milyong naitala nito noong nakaraang taon.
Ito ang naging pahayag ni Arrey Perez, Presidente at Chief Executive Officer ng CIAC sa ginawang briefing para sa debut ng Pilipinas sa 2023 Singapore Airshow sa Taguig City.
Positibo si Perez na maabot ng Clark International Airport ang target nito kasabay ng introduction ng mga bagong domestic at international routes sa paliparan na inaasahang magpapataas ng kanilang passenger volume.
Kabilang sa 13 bagong destinasyon na magbubukas ngayong taon ay mga biyahe patungong Bacolod, Cagayan de Oro, Coron, General Santos, Iloilo at Puerto Princesa habang sa magbubukas din ng biyahe para mga international locations gaya ng Bangkok, Cheongju, Hong Kong, Macau, Narita, at Taipei.
Binigyang diin din ni Perez ang papel ng pre-pandemic recovery at iba’t ibang tourism iniatives para sa pagdami ng mga pasahero sa Clark Airport.
Maliban dito, inaasahan din ng CIAC na makakaakit din ang Clark airport ng mga cargo operators at mapalawak pa sa paliparan ang mga logistic activity.| ulat ni EJ Lazaro