Halos kalahati ng mga Pinoy ang naniniwalang gaganda pa ang ekonomiya ng bansa sa susunod na 12 buwan, ayon yan sa Social Weather Survey (SWS).
Sa isinagawang survey mula December 8-11, 2023, lumalabas na 40% ng mga Pilipino ang kumbinsidong gaganda ang ekonomiya ng Pilipinas.
May 44% ang nagsabing hindi ito magbabago, habang 10% naman ang nagsabing lalala ito.
May katumbas itong net economic optimism score na +30, na nangangahulugang “very high,” na mas mababa nang limang puntos kumpara sa +35 noong Setyembre ng 2023.
Tumaas naman ang net economic optimism sa Metro Manila at Visayas bagamat bahagya naman itong bumaba sa Balance Luzon at Mindanao.
Isinagawa ang Fourth Quarter 2023 SWS Survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa