Matagumpay na nailigtas ng rescue teams ang 45 biktima mula sa 86 na empleyado ng APEX mining na inisyal na iniulat na na-trap ng landslide na naganap kagabi sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro.
Ayon kay Col. Rosa Ma. Cristina Manuel tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom), 3 sa mga naligtas ang nasa kritikal na kondisyon, at magde-deploy ng helicopter ang militar para sa air evacuation ng mga ito.
Sinabi ni Col. Manuel na magpapatuloy ngayong araw ang rescue operations para mailigtas ang 41 natitirang biktima, matapos na pansamantalang itigil pasado hatinggabi kagabi dahil sa peligrosong sitwasyon.
Samantala, 86 na pamilya o katumbas ng 600 na indibidwal mula sa kalapit na barangay ang inilikas sa mas ligtas na lugar.
Sa ngayon, nananatiling ‘unpassable’ ang mga kalsada patungo sa mining site at wala ding cellphone signal sa lugar. | ulat ni Leo Sarne