Inireklamo ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang limang miyembro ng Airport Police Department (APD) na sangkot sa pangingikil ng isang Chinese national na naghatid ng kaibigan sa NAIA Terminal 3.
Ayon kay PNP-AVSEGROUP sa NAIA 3 Station Commander, Police Lieutenant Colonel Alfred Lim, Robbery Extortion ang inihain nilang reklamo sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa limang tauhan ng APD.
Batay sa sinumpaang salaysay ng Chinese national, nangyari ang insidente ng pangingikil sa kaniya ng lima, dakong alas-6 ng gabi noong Linggo, February 4.
Ihahatid lamang sana nito ang kaniyang kaibigang Chinese national din nang lapitan at sitahin sila ng limang tauhan ng APD kung saan, hinanap ang pasaporte nito.
Dahil hindi naman siya bibiyahe, ipinakita na lamang nito ang larawan ng kaniyang pasaporte mula sa kaniyang cellphone subalit pilit pa rin siyang dinala sa ikaapat na palapag ng NAIA Terminal 3.
Doon, gumamit ng translator app ang mga salarin para ipabatid sa biktima na makukulong ito kung hindi magbabayad ng ₱15,000 para siya’y palayain.
Sa takot ng biktima, napilitan itong ibigay ang hinihingi sa kaniya kaya’t hindi na rin siya nagdalawang isip na lumapit sa mga awtoridad para magreklamo.
Nang makarating na sa kabatiran ng PNP-AVSEGROUP ang reklamo, agad nilang tinunton ang mga sangkot subalit hindi na nila ito mahagilap kaya’t nauwi na sa regular filing ang pagsasampa ng reklamo sa piskalya.
Dahil dito sinabi ni Lim na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Manila International Airport Authority (MIAA) at pamunuan ng APD para tumulong sa imbestigasyon.
Kabilang na rito ang pagbibigay ng kopya ng CCTV na maaaring magamit para sa ikalulutas ng reklamong inihain ng nabanggit na dayuhan. | ulat ni Jaymark Dagala