Dumipensa ang mga mambabatas sa ibinabatong paratang kaugnay sa bagong programa ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program o AKAP, na ginagamit umano sa pagkuha ng pirma para sa people’s initiative.
Sa isang pulong balitaan sinabi ni Bataan Representatie Geraldine Roman, na malinaw na nakasaad sa 2024 General Appropriations Act ang AKAP program na isang line item at pinaglaanan ng P26.7 billion.
Kaya malinaw na hindi ito magagamit sa ibang bagay.
Punto naman ni AKO BICOL party-list Rep. Jil Bongalon, nakakalungkot na ang isang bagong proyekto na layon lamang tulungan ang mga mahihirap ay ginagawan ng gawa-gawang kwento.
Sabi naman ni 1-RIDER party-list Rep. Rodge Gutierrez, hindi niya maintindihan kung bakit iniuugnay ang people’s initiative sa AKAP na para naman tulungan ang mga mahihirap.
Dapat din aniya ay tigilan na ang paglalagay ng malisya sa isang insertion lalo at dumaan naman ito sa bicam.
Dito naman ibinahagi ni Senior Deptuy Speaker Speaker Aurelio Gonzales Jr. ang bahagi ng bicam report ukol sa AKAP program, kung saan lumagda ang mga mambabatas at mga senador, kasama na si Sen. Imee Marcos.
Dagdag pa ni Gonzales, ang DSWD naman ang magpapatupad ng programa at wala ito sa kamay at malayo sa impluwensya ng mga kongresista. | ulat ni Kathleen Forbes