Malaking bilang ng mga Pinoy ang nagsabing sila ay masaya sa kanilang lovelife, batay yan sa survey ng Social Weather Station na isinagawa noong huling quarter ng 2023.
Sa naturang survey, tinanong ang respondents, “Alin sa mga sumusunod ang naglalarawan sa inyong love life o buhay pag-ibig,” ‘NAPAKASAYA,’ SANA MAS MASAYA PA,’ at ‘WALANG LOVE LIFE.’
Nasa 58% ang sumagot ng ‘Napakasaya’ na pinakamataas mula noong 2011.
Nasa 23% naman ang sumagot ng ‘Sana mas masaya pa,’ at 19% ang ‘Walang love life’.
Lumitaw din sa survey na mayroong pinakamataas na porsyento ng nagsabing sila ay masaya ay mga married couple.
Sa pag-iikot ng RP1 team, karamihan din ng mga nakapanayam nito ay masaya dahil ‘happily married’ gaya na lang ni Mang Archie na hindi daw pinapalampas ang Valentine’s Day na hindi naide-date ang misis.
Sa tanong naman kung anong regalo ang gusto niyong matanggap, nangunguna sa survey ang pera, na sinundan ng pagmamahal at bulaklak.
Para naman kay Ate Donna, hindi na uso ngayon ang bulaklak at tsokolate na regalo sa Valentine’s Day. Mas nakakakilig raw ang date at bonding kasama ang mahal sa buhay.
Kung si Ate Verly naman ang tatanungin, mas okay rin sa kanya ang pera na mas sulit at maipambibili pa ng pagkain. | ulat ni Merry Ann Bastasa