Tumanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan ang nasa 60 distressed Overseas Filipino Workers (OFWs) na piniling bumalik sa bansa sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program.
Pinangunahan ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-In-Charge Hands Leo Cacdac ang pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga balik-bayang OFWs kasama si Assistant Secretary Venecio Legazpi.
Bawat OFW returnees ay tumanggap ng tig-₱30,000 mula sa DMW habang nasa ₱600,000 naman ang kanilang tinanggap mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nasa 10 benepisyaryo naman ang tumanggap ng ₱200,000 halaga ng medical assistance na makatutulong para sa kanilang pagpapagamot matapos magkasakit habang nasa ibayong dagat.
Ayon sa DMW, ang pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga “bagong bayani ng bayan” ay bahagi ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bukod sa tulong pinansyal, nagbigay din ang DMW ng iba’t ibang serbisyo gaya ng legal service, reintegration support, at issuance of travel exit clearance gayundin ang employment assistance. | ulat ni Jaymark Dagala