Sinalubong ng humigit-kumulang sa 7,000 katao ang isinagawang salubong at selebrasyon ng Chinese New Year kaninang madaling araw sa Binondo, Maynila ayon sa Manila Police District (MPD).
Kasama pa riyan ang higit sa 30 iba’t ibang Filipino-Chinese Organizations kasama ang Manila LGU na nakiisa rin sa pagsalubong sa Year of Dragon.
Napuno rin ng pyromusical display ang Binondo-Intramuros Bridge pagpatak ng ala-12:00 ng hatinggabi na tumagal ng 12 minuto na tanaw ng publiko mula sa Jones Bridge.
Dinaluhan ang nasabing selebrasyon nina Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto, Federation Of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) President Dr. Cecilio Pedro, mga ambassador mula China, Malaysia, Thailand, gayundin ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang organisasyon sa bansa.
Samantala, isang Solidarity Parade kaugnay pa rin ng Chinese New Year ang gaganapin mamayang ala-4:00 ng hapon sa mga kalsada sa paligid ng Chinatown. Magmumula ang parada sa Manila Post Office at magtatapos sa Lucky Chinatown.
Asahan ang pagbigat ng trapiko sa mga rutang dadaanan ng parada at inaabisuhan ang mga motorista na huwag magpaparada ng kanilang mga sasakyan sa dadaanan nito dahil mato-tow ang inyong mga sasakyan.
Ang Chinatown sa Binondo ang tinaguriang pinakamatandang Chinatown sa mundo ayon sa mga historian at nagsilbing “melting pot” ng Maynila magmula ng maitatag ito noong 1594.| ulat ni EJ Lazaro