Nailigtas ng Naval Forces Western Mindanao sa pamamagitan ng BRP JOSE LOOR SR (PC390) ang 78 pasahero at pitong crew ng isang lancha na nasiraan ng makina sa karagatan ng Tawi-Tawi.
Inilunsad ang rescue operation kamakalawa ng umaga matapos matanggap ng PC390 ang distress call ng lancha na nasiraan ng makina habang tumatawid sa Sibutu passage.
Natukoy ng PC390 ang lokasyon ng nasiraang lancha sa tulong ng Philippine Navy Littoral Monitoring Station Bongao, at natagpuan ang Motor Launch DHIEMAL sa karagatan na siyam na milya mula sa Bakalao Point, Sibutu, Tawi-Tawi bandang tanghali.
Hinila ng PC390 ang ML Dhiemal patungo sa Lamion Wharf sa Bongao, Tawi-Tawi, kung saan binigyan ng pagkain ang lahat ng sakay ng lancha at tinurn-over sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) para sa stress debriefing bago pinauwi.
Muli namang pinaalalahanan ni Naval Forces Western Mindanao Commander, RAdm. Donn Anthony Miraflor ang lahat ng mandaragat na siguraduhing nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyang pandagat para sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero. | ulat ni Leo Sarne
📷: NFWM