Nasagip sa isang joint law enforcement operation ang siyam na potensyal na mga biktima ng human trafficking sa Bongao sa lalawigan ng Tawi-Tawi.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Naval Forces Western Mindanao (NavForWem), sa pamamagitan ng intelligence operatives, 1st Special Operations Unit Maritime Group, Tawi-Tawi Maritime Police Station (MARPSTA), Tactical Operations Group Sulu-Tawi-Tawi, Provincial Mobile Force Company ng Tawi-Tawi, CG Central Station Tawi-Tawi, Local Committees on Anti-Trafficking and VAWC, sa koordinasyon ng Municipal Inter-Agency Council Against Trafficking (MIACAT) ng LGU Tawi-Tawi.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng anim na babae at tatlong lalaki na lulan ng MV Magnolia Liliflora na dumaong sa Bongao Pier ng Bongao, Tawi-Tawi.
Sa ginawang profiling, sinabi ng mga biktima na sila’y papuntang Malaysia dahil sa ipinangakong trabaho, subalit wala namang hawak na ligal na mga dokumento.
Ibinunyag din nila na oras na sila’y dumating sa Sandakan, Malaysia, sila’y susunduin nina Mila at Ahmin na taga Tawau; at isang nagngangalang Abdul na taga Kota Kinabalu, Malaysia.
Ang nasabing mga biktima ay nasa kustodiya ngayon ng Ministry of Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa Bongao, Tawi-Tawi para sa counseling, stress debriefing, at tamang disposisyon.
Nangako naman ang NavForWem na patuloy nilang lalabanan ang human trafficking para maisalba ang potensyal na mga biktima na karamihan ay nagmula sa kanlurang Mindanao. | ulat ni Lesty Cubol | RP Zamboanga
📸: PAO, Naval Forces Western Mindanao