Nakatanggap ang lokal na pamahalaan ng Isabela sa probinsya ng Basilan ng aabot sa 1,000 family food packs (FFPs) mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region IX kamakailan.
Ang ipinadalang FFPs ay bilang dagdag sa naka-preposition na relief goods ng ahensya para siguruhin ang sapat na suplay ng ayuda sa panahon ng sakuna at krisis na maaaring tumama sa naturang lungsod at sa iba pang mga lugar sa nasabing probinsya.
Tinukoy ang Isabela City, Basilan bilang isa sa local government units (LGUs) sa rehiyon ng Zamboanga Peninsula na isama sa ilalim ng Relief Prepositioning Agreement (RPA) ng DSWD sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement.
Layon ng naturang MOA na pataasin ang kapasidad ng nasabing LGU sa pagresponde sa mga emergency at pagtibayin ang kahandaan sa pagtugon sa panahon ng sakuna. | ulat ni Justin Bulanon | RP Zamboanga
📷: DSWD Field Office IX – Zamboanga Peninsula