Pormal na inilunsad ngayon ng Commission on Higher Education ang inisyatibo nitong ‘Paglaum kag Pagdaug: Access and Success for Quality and Inclusive Higher Education’.
Ito ay tugon ng CHED sa direktiba ni Pang. Ferdinand R. Marcos na gawing accessible ang tertiary education sa lahat ng pilipino.
Nakatutok ito sa pagrerebyu ng admission policies sa higher education institutions nang matiyak mabibigyan ng sapat na pagkakataon ang mas maraming estudyante na makapagaral ng kolehiyo.
Kasama rin sa inisyatibo ang pagtukoy sa support services o interventions na maaaring maialok sa mga estudyante na hirap makapagtapos ng pagaaral.
Sa datos nga ng CHED, apat sa bawat sampung estudyante ang tumitigil sa pagaaral dahil sa ibat ibang rason kasama na ang hirap sa pagtustos ng kolehiyo.
Para matukoy ito, isang research project ang ikakasa sa tatlong rehiyon sa bansa kabilang ang Region 1, Region 8 at Region 12.
Ayon kay CHED Chair Popoy de Vera, pinondohan ng P5-M ng komisyon ang bawat unibersidad na siyang mangunguna sa study.
Sa pamamagitan nito, umaasa ang CHED na matutugunan ang mga isyu sa attrition rates sa SUCs at masigurong walang mapagiiwanan sa edukasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa