Binati ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang mga tropa ng 102nd Infantry Brigade at 1st Infantry “Tabak” Division sa pamumuno ni Major General Gabriel Viray III, sa matagumpay na operasyon kahapon laban sa kilusang komunista sa Zamboanga del Sur.
Ito’y matapos ma-nutralisa ng mga tropa sa enkwentro sa Brgy. Malagalad, Dumingag, Zamboanga Del Sur, ang Secretary ng Western Mindanao Regional Party Committee (WMRPC) ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na si Aprecia Rosete alyas Bambam.
Si Rosete ang kinikilalang “mastermind” ng maraming atrosidad sa Zamboanga Peninsula kabilang ang extortion, pagpatay ng mga inosenteng sibilyan, at paninira ng mga kritikal na imprastraktura, na may mahigit 30 warrant of arrest laban sa kanya.
Sinabi ni Gen. Brawner na determinado ang AFP na wakasan na ang CPP-NPA, kasabay ng panawagan sa mga nalalabing miyembro ng kilusang komunista na sumuko na, para maiwasan ang kinahinatnan ng kanilang mga nasawing kasamahan. | ulat ni Leo Sarne
📸: WestMinCom