Binisita ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang mga tropa sa mga kampo militar sa Mindanao nitong Sabado at Linggo.
Sa kanyang mensahe sa mga tropa ng 10th Infantry Division at Eastern Mindanao Command sa Mawab, Davao De Oro at Panacan, Davao City nitong Sabado, binilinan ni Gen. Brawner ang mga sundalo na manatiling nagkakaisa at mag-ingat sa mga tangka ng kalaban na i-infiltrate ang iba’t ibang sektor ng lipunan at hamunin ang AFP.
Sinabi ni Gen. Brawner na kumpiyansa siya sa katapatan at propesyonalismo ng bawat miyembro ng militar sa gitna ng mga kaganapan sa politika.
Kasunod nito, nagtungo naman si Gen. Brawner sa Western Mindanao Command (WESMINCOM) headquarters sa Zamboanga City at 101st Infantry Brigade (IBde) sa Isabela City, Basilan nitong Linggo.
Dito’y pinaalalahanan naman ni Gen. Brawner ang mga tropa na manatiling nakatutok sa kanilang mandato, at patunayan na sa pamamagitan ng malakas at nagkakakaisang AFP ay maitataguyod ang isang malakas at nagkakaisang bansa. | ulat ni Leo Sarne
📸: PFC Carmelotes/PAOAFP