Nagbigay ng huling pagpugay si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa anim na sundalong nag-alay ng buhay sa operasyon noong Linggo laban sa Daulah Islamiya sa Lanao Del Norte.
Ito’y sa pagbisita ng AFP chief sa lamay ng mga nasawing sundalo sa 1st Infantry Division headquarters sa Zamboanga Del Sur kahapon.
Personal na nakidalamhati si Gen. Brawner sa mga pamilya ng mga nasawi, at kinilala ang malaking sakripisyo ng mga magigiting na sundalo, kasabay ng pag-abot ng tulong pinansyal mula sa AFP sa mga pamilya.
Una nang ipinangako ni Gen. Brawner sa mga pamilya ng mga sundalong nasawi at sa publiko na hindi titigil ang militar hangga’t hindi nakakamit ang hustisya sa pagkamatay ng kanilang mga tauhan.
Sa ngayon, patuloy ang pagtugis ng militar sa grupo ng Daulah Islamiyah na pinaniniwalaang responsable sa pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi noong nakaraang taon. | ulat ni Leo Sarne
📸: AFP-PAO