Pinaalalahanan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. ang bagong henerasyon ng mga sundalo na maging laging tapat sa Saligang Batas at laging panatilihin ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo.
Ito ang mensahe ni Brawner sa kaniyang pagdalo sa taunang Alumni Homecoming ng Philippine Military Academy (PMA) sa Fort Gregorio del Pilar sa Baguio City nitong weekend.
Aabot sa 1,696 na Alumni ng PMA ang dumalo sa nasabing okasyon para sa taong ito kasama ang kani-kanilang pamilya kung saan, pinakamatanda rito ay si Cavalier Salvador Peran ng PMA Class of 1964 habang ang pinakabata ay si 2nd Lieutenant Maecy Bautista ng PMA Class 2023.
Panauhing pandangal sa nasabing okasyon si Senate President Juan Miguel Zubiri na honorary member ng PMA Marangal Class of 1974 na nagdiwang din ng kanilang ika-50 anibersaryo.
Pinarangalan din ang mga natatanging Cavalier o Alumnus ng PMA dahil sa pagpapakita ng kahusayan sa kani-kanilang larangan gaya nila dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman at retired Police Major General Thompson Lantion ng PMA Class 1969, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General at retired Police Lieutenant General Ricardo De Leon ng PMA Class of 1971.
Gayundin sina Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Vice Chairman at retired Police Lieutenant General Reynaldo Velasco, maging si dating AFP Chief of Staff at National Security Adviser, retired General Hermogenes Esperon Jr. | ulat ni Jaymark Dagala