Hinikayat ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga botika at iba pang pharmaceutical retailers na agarang ipatupad ang value added tax (VAT) exemption sa ilang piling mga gamot, para mapakinabangan na ng mga mamimili.
Matatandaang may 22 mga gamot ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) na madagdag sa listahan ng mga VAT-exempted drug.
Kabilang dito ang gamot para sa diabetes, hypertension, cancer, high cholesterol, mental illnesses, tuberculosis, kidney diseases, at ilang gamot para kontra COVID-19.
Ang VAT exemption ay sinimulang ipatupad noong nakaraang Pebrero 19.
Kasabay nito, hinimok din ni Gatchalian ang publiko na manatiling mapagmatyag at tiyaking tama o mas mababa ang binabayaran nilang halaga ng mga gamot na kasama sa listahan ng VAT-exempted drugs.
Partikular na binanggit ng mambabatas ang mga senior citizen, mga taong may kapansanan, at mga may umiiral na kondisyong medikal. | ulat ni Nimfa Asuncion