Muling tiniyak ng pamahalaan na kanila pang paiigtingin ang paglahok ng pribadong sektor sa mga infrastructure project ng bansa na makalilikha ng mas maraming trabaho at makapagpapalakas sa turismo at ekonomiya.
Ito ang inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod na rin ng modernisasyon ng pangunahing paliparan ng bansa, ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ngayong hawak na ng SMC-SAP & Company Consortium ang concession contract na iginawad ng Department of Transportation (DOTr), kumpiyansa silang makapagdudulot ito ng malaking pagbabago sa paliparan.
Sa ilalim kasi ng mahigit sa ₱170-bilyong pisong proyekto, matutugunan na nito ang matagal nang problema hinggil sa terminal capacity at mapabibilis pa nito ang biyahe ng mga eroplano.
Nangangahulugan ito ani Balisacan ng mas maraming oportunidad lalo’t giginhawa na ang biyahe ng mga lokal at dayuhang turista sa bansa na siyang makapag-aambag ng malaki sa pagpapalago ng ekonomiya. | ulat ni Jaymark Dagala