Pinakilos na rin ng Estados Unidos ang kanilang air assets para tumulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paghahatid ng tulong sa mga apektado ng landslide sa Mindanao.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Colonel Xerxes Trinidad, dalawang KC-130J Hercules Aircraft ng US Marine Corps ang siyang gagamitin para sa paghahatid ng tulong sa pamayanan ng Masara.
Kasalukuyang nakahimpil ang dalawang nabanggit na air asset ng Amerika sa Villamor Airbase sa Pasay City at inaasahan namang kakargahan ito ng supplies ngayong araw.
Target nilang makapagsagawa ng dalawang biyahe kada eroplano upang mabilis na maihatid ang mga kinakailangang tulong para sa mga nasalantang komunidad.
Ang U.S. Marines mula sa III Marine Expeditionary Force ang mangangasiwa sa disaster relief mission kasama ang tropa mula sa Marine Air Group 12 at 1st Marine Aircraft Wing. | ulat ni Jaymark Dagala