Iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na isang Amerikanong pasahero ang inaresto matapos na magsabi ng bomb joke sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental.
Ayon kay Laguindingan Airport Manager Job De Jesus, nakalapag na sa nasabing paliparan ang flight DG 6723 mula sa Mactan, Cebu pasado alas-9:00 kagabi, nang biglang tumayo ang suspek upang kunin ang kaniyang bagahe saka ito nagsabi ng bomb joke.
Agad namang rumesponde ang PNP-Aviation Security Unit at ang CAAP Security and Intelligence Unit upang siyasatin ang mga bagahe ng mga pasahero, pero ito ay nag-negatibo sa bomba.
Nasa kustodiya na ng PNP headquarters sa Laguindingan Airport ang suspek at mahaharap sa kaso at pagkakakulong ng hindi bababa sa limang taon o multa na P40,000.
Nagpaalala naman ang CAAP sa mga pasahero na mahigpit na ipinagbabawal ang bomb joke sa mga paliparan at eroplano. | ulat ni Diane Lear