Tinatarget ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na mapabilis pa ang proseso ng business permit sa bansa.
Ayon kay ARTA Sec. Ernesto Perez III, ngayong 2024 umaasa silang mapaikli sa 10 minuto na lang ang business permit applications sa mga LGU.
Hindi aniya imposible ito lalo’t nagagawa na ito sa ibang bansa.
Kasama sa proposal ng ARTA ang gawing pre-approved na ang mga aplikasyon at isunod na lang ang pagsusumite ng mga kinakailangang requirements.
Pinalalakas na rin aniya ng ARTA katuwang ang DILG at DICT ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan lalo sa probinsya para maka-comply sa Electronic-Business One Stop Shop o E-BOSS.
Kabilang dito ang pamamahagi ng computer sets at pati na pagbibigay ng training sa LGUs katuwang ang pribadong sektor.
Muli namang ipinunto ng ARTA ang kahalagahan ng pag-streamline at digitalize sa proseso ng gobyerno na hindi lang nakakatulong para tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante kundi nagdadala rin ng mas mataas na revenue sa mga LGU.
Sa tala ng ARTA, dito sa Metro Manila, mayroon nang 11 LGUs ang fully compliant sa E-BOSS.
Kabilang sa nangunguna sa NCR sa may pinakamabailis na processing time ang Navotas, Valenzuela, Marikina, QC at Maynila. | ulat ni Merry Ann Bastasa