Suportado ni 4Ps party-list Rep. JC Abalos ang direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Economic and Development Authority (NEDA) na aralin ang mekanismo upang mai-adjust ang 4Ps cash grant at maisabay ito sa inflation.
Ayon kay Abalos, sa Kamara mismo ay mayroon nang panukalang pinagtibay ang House Committee on Poverty Alleviation upang itaas ang halaga ng cash grant.
Aniya, sa naturang panukala, ang educational grant na kasalukuyang nasa P300 hanggang P900 ay itataas sa P500 hanggang P900.
Pinatataasan din aniya dito ang health grant ng hanggang P1750.
Isa pa aniya sa mahalagang probisyon ng panukala ay ang gawing kada taon ang mandatory review period para sa halaga ng cash grant.
Punto ni Abalos, hindi naman masasabi kung kailan tatama ang pandemiya o kalamidad na makakaapekto sa presyo ng bilihin.
Maliban dito, magandang gawing taunan ang review upang mapadali ang adjustment sa pondong ilalaan para dito sa ilalim ng DSWD. | ulat ni Kathleen Forbes