Patay ang isang lalaki matapos na malunod habang lumalangoy sa Ilog Pasig sa ilalim ng Sandoval Bridge, Barangay Maybunga, Pasig City.
Batay sa ulat, alas-2:10 ng hapon naitawag sa Philippine Coast Guard (PCG) ang insidente at kaagad naman rumesponde ang PCG.
Bandang alas-3:10 ng hapon tuluyan nang makuha ng mga tauhan ng PCG ang katawan ng biktima na kinilalang si Japeth Javier, 18 taong gulang na residente ng Barangay Rosario ng nasabing lungsod.
Ayon sa PCG, nauwi sa trahedya ang pagbibiruan ng tatlong mga magkakaibigan nang pulikatin ang biktima.
Sinubukan pa umano na sagipin si Japeth ng kaniyang mga kaibigan ngunit ito ay pumailalim na sa maburak na bahagi ng Ilog Pasig.
Hindi naman matanggap ng ina ni Japeth na si Michelle Javier ang sinapit ng kaniyang anak.
Sa ngayon, nakuha na ng mga tauhan ng punerya ang labi ng biktima.| ulat ni Diane Lear