Kukunin na lamang ng mga tsuper ng jeepney sa Marcos Highway sa Pasig City ang pagkakataon na makabawi ng kita.
Ito’y kasunod ng ipinatupad na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ng mga kumpaniya ng langis ngayong araw.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang tsuper ng jeepney na bagaman welcome development ito para sa kanila, aminado sila na tila bitin pa rin ito kumpara sa ipinataw na taas presyo noong isang linggo.
Ayon sa mga tsuper, sanay na sila sa ganitong cycle kung saan magkakaroon ng isang linggong bawas-presyo sa produktong petrolyo na susundan ng ilang linggong taas-presyo sa produktong petrolyo.
Kaya naman para makabawi, lalabas sila kung kailan marami ang mga pasahero upang makarami ng biyahe. | ulat ni Jaymark Dagala