Kinalampag ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan ang Kongreso na pagtibayin na ang House Bill 7363 o ang “Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso o P3 Act.”
Ang naturang panukala ay piangtibay na ng Kamara noon pang Marso ng nakaraang taon, habang nakabinbin naman sa Senado.
Giit ni Yamsuan, nilalayon ng P3 Act ng mas mainam na paraan ng pautang sa mga micro and small enterprises (MSEs) na walang collateral, madaling bayaran at may mababang interes na hindi hihigit ng 1% kada buwan sa direct lending at 2.5 percent kada buwan kung hiniram mula sa mga partner financial institutions.
Sa paraang ito ay hindi na aniya sila maloloko ng mga 5-6 o iba pang informal lenders at maiwasang mabaon sila sa utang.
Kadalasan kasing nagpapataw ng hanggang 20% na interes kada buwan ang mga ito.
Oras na maging ganap na batas, bubuo ng isang ‘P3 Fund’ na magpapautang sa mga kwalipikadong MSE sa pamamagitan ng Small Business Corporation, at accredited partner financial institutions gaya ng mga bangko, kooperatiba, loan associations, lending companies at iba pa.
Aniya 90% ng mga negosyo ang makikinabang dito kabilang na ang mga may-ari ng sari-sari store, nagtitinda sa carinderia at pelengke, at iba pang mga small community-based entrepreneurs.
“The proposed P3 program under this measure will free micro entrepreneurs from the clutches of ‘five-six’ money lenders and loan scammers and offer them the opportunity to expand their businesses through easy-to-pay, low-interest credit,” sabi ni Yamsuan.| ulat ni Kathleen Forbes