Naghain ang mga mambabatas mula Bicol ng resolusyon para magsagawa ang Kamara na imbestigahan kung bakit hindi pa naipapasara ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang authorized agent corporations (AACs) o operators ng Small Town Lottery (STL) na lumalabag sa patakaran ng kanilang prangkisa.
Partikular na pinakikilos ang Committee on Games and Amusements para sa isang investigation in aid of legislation.
Salig sa House Resolution 1566 na pangunahing inihain ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte at tatlong iba pa, tinukoy ni Villafuerte na ginagamit lang front ng naturang mga STL at AAC ang kanilang prangkisa para sa operasyon ng jueteng.
Isa sa inihalimbawa ng mambabatas ang Evenchance Gaming Corp. sa Camarines Sur, na bigong makapag-remit ng Guaranteed Minimum Monthly Retail Receipt (GMRRR) at nagkaroon ng misrepresentation sa pamamagitan ng pagdaya sa kanilang sales report.
Maliban dito, patuloy din aniyang nagpapataya ang Everchance sa mga bata at nangongolekta ng taya sa labas ng inaprubahang station.
Iniuugnay din ng mga kinatawan ang STL na pinag-uugatan ng karahasan—isa nga rito ang pagkamatay ng dating bise alkalde ng Pili Albay.
“The operation of STL as a mere front by AACs resulted in numerous acts of violence in the country, including the death of former Pili Vice Mayor Raul Delfin Divinigracia who died shortly after an altercation with an official of the AAC in CamSur,” giit ng mga mambabatas. | ulat ni Kathleen Forbes