Pababa na ang bilang ng mga kaso ng influenza-like illnesses at COVID-19 sa bansa.
Ito ay base na rin sa pinakahuling report at monitoring ng Department of Health (DOH).
Nakapagtala ang DOH ng 19% na pagbaba ng kaso ng influenza-like illnesses sa buong bansa ngayong taon mula January to February kung ikukumpara noong kaparehong panahon noong 2023.
Siyam naman ang naitala ng ahensya na binawian ng buhay dahil sa infulenza-like illness simula January 1 hanggang February 3 ngayong taon o fatality rate na 0.06%.
Sa mga kaso naman ng COVID-19, bumaba rin ang bilang ng tinatamaan ng naturang sakit ngayong taon kumpara noong 2023 sa mga buwan ng Enero hanggang Pebrero.
Base sa tala ng DOH, 11% lang ang kasalukuyang ginagamit na COVID ICU beds, habang 14% naman ang mga ginagamit na COVID non- ICU beds sa buong bansa.
Mula naman February 6 hanggang 12, mahigit sa 600 ang bagong naitalang kaso ng ahensya sa buong bansa, kung saan papatak ito ng 94 cases per day.
Ayon sa DOH, mas mababa ang naturang bilang ng 35% kumpara sa mga kaso noong Enero at unang linggo ng Pebrero ngayong taon.
Inaasahan naman ng DOH na magpapatuloy ang naturang takbo ng mga kaso ng COVID at influenza-like illnesses sa mga susunod na buwan. | ulat ni Lorenz Tanjoco