Patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga Pilipinong nagbubukas ng kani-kanilang basic deposit account (BDA) ayon sa pinakahuling tala na ibinahagi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa BSP, tumaas ng 174% ang bilang ng BDA mula 8.3 milyon noong ikalawang quarter ng 2022 paakyat sa 22.9 milyon sa ikalawang quarter ng 2023.
Sinasabing dahilan ng paglago nito ay ang pag-convert sa BDA ng transaction accounts na binuksan sa ilalim ng Philippine Identification System (PhilSys) co-location strategy ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Land Bank of the Philippines (LBP). Sa ilalim nito, maaaring magbukas ng transaction account ang ating mga kababayan pagkatapos ng biometrics at registration process ng PhilSys.
Kung wala namang valid ID maaaring gamitin ang barangay certificate o endorsement letter mula sa isang ahensya ng gobyerno o employer upang makapagbukas ng BDA.
Ang BDA ay programang inilunsad ng BSP upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan na magkaroon ng abot-kaya at easy-to-open bank accounts, ayon kay BSP Governor Eli Remolona.
Kinakailangan lamang ng P100 ang mga magde-deposit sa BDA, wala rin itong maintaining balance at dormancy charges kung matagal ng walang transaksyon sa account.
Maaari ring makapagpadala ng pera online ang mga depositor, makapagbayad ng bills, at magkaroon ng sariling debit card para sa cashless payments.
Sa ngayon, 158 na bangko sa buong bansa ang nag-aalok ng BDA, na karamihan ay mga bangko sa probinsya. | ulat ni EJ Lazaro