Ibinunyag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagkahuli ng isang kawani nito na nangingikil sa isang business establishment sa Malabon City, kamakailan.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., nahuli ito sa isinagawang joint entrapment operation kasama ang Philippine National Police (PNP).
Bago naaresto, nakatanggap ng sumbong ang BIR laban sa isang indibidwal na paulit-ulit na nangingikil ng pera sa business establishment na nagbebenta ng mga bisikleta.
Nagpapanggap umano ito na isang opisyal ng BIR Tax Compliance Verification Drive.
Kinasuhan na at kasalukuyang nakakulong ang BIR employee na nahaharap sa patong-patong na mga kasong kriminal tulad ng robbery (extortion), grave coercion at usurpation of official function/authority, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. | ulat ni Rey Ferrer