Dumating na kahapon sa Davao ang BRP Davao del Sur (LD602) ng Philippine Navy karga ang 40,800 Family Food Packs para sa mga biktima ng kalamidad.
Ang food packs ay mula sa National Resource and Logistics Management Bureau (NLRMB) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office.
Ang pagdiskarga ng Family Food Packs sa Globalports Davao Terminal ay sinaksihan nina: Naval Forces Eastern Mindanao (NFEM) Deputy Commander, Captain Constancio Arturo Reyes; BRP Davao del Sur (LD602) Commanding Officer, Commander Marco DJ Sandalo; DSWD XI Regional Director Atty. Vanessa Goc-ong, at Globalports Davao Terminal Operations Manager, Mark Lester Tan.
Ang mga tauhan ng NFEM ang nagkaloob ng manpower at transportasyon sa paghahakot ng Family Food Packs.
Dinala ang food packs sa DSWD XI warehouse, kung saan ito ipapamahagi sa mga komunidad na apektado ng shear line at trough ng Low Pressure Area (LPA) kamakailan. | ulat ni Leo Sarne
📸: NFEM