Muling iginiit ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang kanilang commitment na makipagtulungan sa kongreso upang isulong ang mga repormang magpapahusay sa investment climate ng bansa.
Sa isinagawang pagdinig ng kapulungan sa Resolution of Both House No. 7 o RBH7, sinabi ni Monetary Board Member Romeo Bernardo na ang panukalang amyenda sa economic provisions ng konsitusyon ay nakalinya sa pagsususmikap ng gobyerno na tugunan ang mga pangunahing hamon na makaengganyo ng foreign investors, bagay na magdadala ng “inclusive growth” at “financial resilience”.
Aniya, upang makamit ang economic benefits ng constitutional amendments, mahalagang gawin na ang mga polisiya na magbibigay daan sa mga industriya sa bansa na i-develop at paghusayin ang kanilang productivity.
Paliwanag pa ni Bernardo na sa pamamagitan ng constitutional amendment, bubuksan ang oportunidad ng Pilipinas na makasabay sa global economy sa sektor ng trade, commerce, at financial system.
Maaalalang nitong mga nakalipas na dekada, hindi nagbabago ang stand ng Bangko Sentral sa hangaring “structural reform” at hangaring mapataas ang growth prospects ng bansa upang dumami ang foreign direct investment, dekalidad na trabaho at mas pinahusay na serbisyo publiko. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes