Alinsunod sa adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatupad ng reporma sa sektor ng kalusugan sa bansa, kinumpirma ni Department of Budget and Management Secretary Mina Pangandaman ang pagtaas ng pondong nakalaan para sa pagpapatupad ng Health Facilities Enhancement Program sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act na umabot na sa P28.58 bilyon.
Ito ay mas mataas ng 6.6 percent kumpara sa P26.81 bilyong pondong inalaan para sa programang ito noong 2023.
Binigyang-diin din ng Budget Secretary na ang patuloy na suporta para sa programang ito ng Department of Health ay bahagi ng panawagan ng Pangulo para sa isang Bagong Pilipinas, kung saan mayroong access ang bawat Pilipino sa de-kalidad na pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Gagamitin ang kabuuang alokasyon para sa pagpapatayo, pag-upgrade, o pagpapalawak ng mga pasilidad pang-kalusugan ng gobyerno sa buong bansa.
Magbibigay-daan din ang alokasyon para sa pagbili ng kagamitan sa ospital at mga sasakyan na gagamitin bilang medical transportation.
Bibigyang-prayoridad ng programang ito ang mga Universal Health Care sites at mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas kasama na ang pag-upgrade ng mga pangunahing pasilidad para sa matatag na pagtugon sa COVID-19 at iba pang mga future pubic health emergencies na maaaring maganap, pagpapalakas at pagpapabilis ng mga ongoing project construction. | ulat ni Michael Rogas