Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pangamba ng publiko matapos na maglabas kahapon ng mahigit 14,000 tonelada ng sulfur dioxide ang Bulkang Taal at sinabing malabong magkaroon ito ng pagsabog.
Sinabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, walang ibang kasalukuyang indicators na maaaring humantong sa pagputok ng Taal Volcano.
Aniya, bukod sa volcanic gas emissions ay may tinitignan silang ibang parameters bago masasabi na ito ay sasabog ulit, at ito ay gaya ng pagdami ng lindol.
Sa ngayon, nakapagtala lamang ng isang volcanic earthquake sa bulkan sa nakalipas na siyam na araw.
Sa kabila nito, binanggit ni Bacolcol na posible ang pagbuo ng volcanic smog o vog hangga’t naglalabas ng gas ang bulkan.
Sa ngayon, nananatili sa alert level 1 ang status ng bulkan.| ulat ni Rey Ferrer