Pormal nang inilunsad ang buwanang Kadiwa ng Pangulo noong Enero 30, sa Asenso Ozamiz Wellness Park, lungsod ng Ozamiz, Misamis Occidental.
Pinangunahan ito ng Department of Agriculture katuwang ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Ozamiz at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Ang KADIWA o “Katuwang sa Diwa at Gawa Para sa Masaganang Ani at Mataas na Kita” ay bahagi sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na naglalayong tulungan ang mga magsasaka, mangingisda, kooperatiba, at asosasyon na magkaroon ng direktang farm-to-consumer food supply chain.
Magpapatuloy ang Kadiwa ng Pangulo tuwing ika-15 at ika-30 kada buwan kung saan itatampok ang samot-saring produktong agrikultura tulad ng bigas, gulay, prutas, processed foods, at iba pa sa mas abot-kayang halaga.
Ayon kay Ozamiz City Economic Enterprise Manager Jaime Tomada, malaki ang maitutulong nitong programa para itaas ang pangkabuhayan ng mga vendors pati na rin ng mga konsyumer upang makakabili ng pinakamababang presyo na mga produkto.
Bahagi ito sa eight-point socio-economic agenda ni Pangulong Marcos upang matiyak ang food security, pasiglahin ang paglikha ng trabaho, at pabilisin ang pagbabawas ng kahirapan sa bansa. | ulat ni Sharif Timhar | RP1 Iligan
📸 Misamis News Network