Sa pamamagitan ng House Resolution 1601, umapela si Cebu 2nd District Representative Edsel Galeos sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at National Museum of the Philippines (NMP) na ibalik sa Boljoon (Bolho-on) Church ang apat na antigong pulpit panel na naka-display ngayon sa Pambansang Museo.
Nag-ugat ang resolusyon matapos hingin ng munisipalidad ng Boljoon sa NMP na imbestigahan kung paano napunta sa museo ang naturang pulpit panels na iniulat na ninakaw mula sa Boljoon Church noon pang 1980s.
Tinukoy ni Galeos ang National Cultural Heritage Act of 2009 na layong protektahan, ipreserba, at isulong ang cultural heritage, ari-arian, kasaysayan, at etnisidad ng mga lokal na komonidad.
Kaya naman aniya mahalaga na maibalik ito sa simbahan.
Sa isang pahayag sinabi ng NMP na idinonate ng pribadong kolektor ang naturang panels nito lang Pebrero 2024.
Sabi pa ng NMP handa nilang ibahagi o i-share ang pulpit panels.
Pero giit ni Geleos, may mahalagang kaugnayan sa kanilang pananampalataya at sa Simbahang Katolika ang pulpito.
Diin pa nito na ninakaw ang pulpit panels mula sa mga Boljoanons kaya marapat lang na ibalik ito sa kanila.
“Boljoanons are demanding for accountability. The panels, which are part of the municipality’s culture and history, were unlawfully stolen from the Boljoon Church. It must there be restored where it rightfully belongs,” giit ni Galeos. | ulat ni Kathleen Jean Forbes