Binalaan ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin ang mga opisyal ng Pilipinas na mag-ingat at huwag maglaro ng apoy pagdating sa isyu ng Taiwan.
Ang pahayag ay ginawa ng Chinese official kaugnay ng direktiba ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na magdagdag ng pwersa at istraktura sa mga dulong hilagang isla ng Batanes na malapit na sa Taiwan.
Ang kautusan ay binigay ni Sec. Teodoro nang bumisita siya sa Mavulis Island sa Batanes nitong Martes, kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapalakas ng territorial defense capability ng bansa.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na ang magkapitbahay na bansa ay dapat maayos na makitungo sa isa’t isa, base sa prinsipyo ng “good-neighborliness, friendship, mutual respect for sovereignty and territorial integrity, and non-interference in each others’ internal affairs.”
Binigyang-diin ng tagapagsalita na ang isyu sa Taiwan ay “red line” na hindi dapat lagpasan, at dapat itong maintindihan ng mga opisyal sa Pilipinas upang maiwasang magpagamit at masaktan. | ulat ni Leo Sarne