Sinasalubong ng maiingay na mga tambol, makukulay na lion o dragon dance, at kaliwa’t kanang mga pagkain at samu’t saring mga paninda ang mga kababayan nating nakikisaya sa selebrasyon ng Chinese New Year ngayong araw sa Chinatown sa Binondo, Maynila.
Sa Ongpin St., siksikan na ang mga tao at mahaba na rin ang mga pila sa mga sikat na kainan sa lugar partikular na ang mga pumatok sa social media tulad ng sugar cane juice, fried siopao, at marami pang iba.
Sarado na rin ang kanto papasok sa nasabing kalsada pero kung manggagaling ka sa ibang lansangan papasok ng Ongpin ay makakadaan pa naman ang inyong mga sasakyan pero babala sa ating mga motorista magiging mabagal ang daloy ng trapiko dahil sa dagsa ng tao.
Dagdag pa riyan ang mga dragon dance performances, fire breathers, at grupo ng drummers na nag-aabot naman ng Ang pao sa mga tindahan, mga bumibisita, at sasakyan na napapadaan sa lugar.
Ayon sa Manila Police District, sa kasalukuyan ay overall peaceful ang selebrasyon ng Year of the Dragon sa Binondo at walang naitatalang mga untoward incident o krimen sa magdamag.
May medic ding naka-standby ang Manila DRRMO kung sakaling may mga kababayan tayong mangangailangan.
Mamayang hapon, asahan naman ang pagsasagawa ng isang Solidarity Parade kaugnay pa rin ng Chinese New Year na magmumula sa Manila Post Office at magtatapos sa Lucky Chinatown Mall dito sa Binondo.| ulat ni EJ Lazaro