Nakatakdang ilunsad ng Commission on Human Rights (CHR) ang “Alisto! Alert Mechanism”, ang sarili nitong inisyatiba para sa pag-abiso sa mga kaso ng umano’y human rights violation na naranasan ng media workers.
Ang hakbang ng CHR ay bilang bahagi ng pagdiriwang nito ng National Press Week ngayong taon upang kilalanin ang pangunahing papel na ginagampanan ng mga journalist.
Sinabi ni CHR Chairperson Richard Palpal-latoc, bilang independent national human rights ng bansa, ang CHR ay committed na kumuha ng mas aktibong paninindigan sa pag-ambag sa pagpapabuti ng kapakanan ng media sa bansa.
Ang alert mechanism ay naisip na maglabas ng plataporma para direktang makipag-ugnayan ang media sa CHR tungkol sa mga insidente kung saan sangkot ang mga mamamahayag.
Bahagi ito ng layunin ng CHR na i-mapa kung paano ito makakabahagi sa ganap na pagpapatupad ng Philippine Plan of Action for the Safety of Journalists (PPASJ) sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga hakbang na maaaring gawin ng Komisyon upang higit na maprotektahan ang media workers.
Ayon sa CHR, ang binuong Alisto! Alert Mechanism ay magbibigay ng konkretong plataporma kung saan maaari itong direktang tumugon sa mga pag-atake at pagbabanta laban sa mga journalist. | ulat ni Rey Ferrer